Bacarisas binuhat ang Kensei-Brunei sa panalo

Bandera
May 02, 2012


SINAMANTALA ni Manuel Bacarisas ang fielding error ni Jonas Ponce para ibigay sa bisitang Kensei-Brunei ang 3-2 panalo kontra JK.com-Zamboanga at manatiling nasa unahan sa men’s open division sa Cebuana Lhuillier Summer Grandslam National Softball Open sa Parade Ground ng Clark Freeport, Pampanga.

Kumaripas si Bacarisas, na isa sa siyam na Filipino imports ng Brunei team, patungong homeplate upang mapanatiling walang talo ang koponan sa tatlong laro.

Tinapatan ang record na ito ng Philippine Army na binokya ang Zamboanga, 3-0, sa isa pang laro.

Nanalo rin ang Philippine Air force sa Philippine Navy, 4-3, para sa 2-1 karta at ikatlong pwesto sa ligang inorganisa ng ASAPhil katuwang ang Clark Development Corporation at suportado rin ng Phiten, Cebuana Pera Padala, Le Soleil de Boracay, Cebuana Lhuillier Bank, Just Jewels, Cebuana Lhuillier Insurance Solutions, TJ Hotdogs, Purefoods Chicken Nuggets, Hungry Juan, Department of Tourism Region 3.

Samantala, dumanas naman ng unang kabiguan ang nagdedepensang women’s open champion Adamson university nang pataubin sila ng Adamson Alumni, 10-3.

Ang Alumni ay binubuo ng mga dating pambatong manlalaro ng nasabing paaralan. – Mike Lee