UE Lady Warriors nangunguna sa softball

Bandera
May 3, 2012


PUMAIMBULOG ang University of the East sa tuktok ng women’s standings sa 2012 Cebuana Lhuillier Summer Grandslam National Softball Open Championships sa Parade Ground sa Clarkfield, Pampanga nang umiskor ito ng magkasunod na panalo.

Sinandalan ng Lady Warriors ang apat na run na ginawa sa fourth inning upang tabunan ang 0-2 iskor tungo sa 4-2 panao laban sa Adamson University Alumni team bago isinunod ang bisitang Papua Province ng Indonesia sa 11-0 abbreviated panalo upang isulong ang nangungunang karta sa 4-0.

Bumangon naman ang nagdedepensang Adamson Lady Falcons sa kabiguang ipinalasap ng Alumni team nang hiritan ng 7-3 panalo ang Rizal Technological University para sa 4-1 baraha.

Lumasap naman ng kabiguan ang dating walang talong Kensei ng Brunei at Philippine Army para gumulo rin ang labanan sa men’s Open sa ligang itinataguyod ng ASAPhil katuwang ang Clark Developement Corporation at suportado rin ng Phiten, Cebuana Pera Padala, Le Soleil de Boracay, Cebuana Lhuillier Bank, Just Jewels, Cebuana Lhuillier Insurance Solutions, TJ otdogs, Purefoods Chicken Nuggets, Hungry Juan at Department of Toursim Region 3.

Bumagsak ang Kensei sa Philippine Air Force, 3-1, habang ang Philippine Army ay ginulat ng RTU, 1-8. Ang Army, PAF at Zamboanga ay magkakasalo sa liderato sa 4-1 baraha habang kapos ang Kensei ng isang laro sa 3-1 karta.

Naisulong naman ng Rizal Province ang pangunguna sa women’s club division sa 5-0 kartang manalo sa Central Luzon State University, 7-4 at Tarlac, 7-0.

---Mike Lee