PUP wala pang talo sa women’s softball

Publication: Bandera
Section: Sports
Date: October 19, 2012

TINALO ng Polytechnic University of the Philippines ang Central Luzon State University, 11-4, upang manatili sa unang puwesto sa Group B sa Cebuana Lhuillier National Intercollegiate Women’s Softball Championship kahapon sa Rosario Sports Complex sa Pasig City.

Kumawala agad ang PUP ng apat na runs sa apat na hits upang kunin ang ikatlong sunod na panalo at pagtibayin ang paghahabol para sa semifinals sa grupo sa torneong may ayuda ng Cebuana Lhuillier, Cebuana Pera Padala, Le Soleil de Boracay, Cebuana Lhuillier Insurance Solutions, Just Jewels at Phiten.

Bago ito ay nanalo muna ang PUP sa UE, 5-4, at Ateneo, 6-0.

Kailangan ng koponan na maipanalo ang isa sa huling dalawang laro laban sa UST at National University para opisyal na makasama sa crossover semifinals.

Samantala, umukit ang SCUAA champion Rizal Technological University ng 10-0 panalo sa Bulacan State University para mapanatiling nasa ikalawang puwesto sa Group A na dinodomina ng Adamson na may 4-0 baraha.

Ikatlong panalo sa apat na laro ang nakuha ng RTU at kailangan na lamang nilang talunin ang La Salle sa pagtatapos ngayon ng elimination round para makapasok sa semis. – Mike Lee