Blu Boys pasok sa World Softball Championship

Publication: Bandera
Section: Sports
Date: October 29, 2012

NAPAGTAGUMPAYAN ng national men’s softball team ang misyon na makalaro sa 2013 ISF World Softball Championship nang masama sa unang tatlong koponan sa idinadaos na 11th Asia Men’s Softball Championship sa Nimi, Japan.

Ang Page System semifinals at Finals ay nilaro kahapon pero wala ng saysay ito kung pagpasok sa World Championship ng Pilipinas ang pag-uusapan dahil sa ikatlong puwesto ang pinakamasamang pagtatapos na maitatala ng koponang inilaban ng Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPhil).

Anim na bansa ang kasali sa torneo na ginagamit bilang qualifying event para sa World Championship at ang mangungunang tatlong koponan ang siyang aabante sa torneong gaganapin sa Auckland, New Zealand.

“We are proud of our boys’ performance; again, it shows that in softball, we are among the top 3 in Asia,” wika ng pangulo ng ASAPhil na si Jean Henri Lhuillier.

“Whatever happens in today’s game against Indonesia, we are looking forward already to the world championship next year,” dagdag nito.

Kalaro ng Pilipinas ang Indonesia para malaman kung sino sa kanila ang makakaharap ng Japan sa one-game finals. – Mike Lee