Silver, nasungkit ng PIlipinas sa Asian Men’s Softball

Publication: Bulgar
Section: Sports
Date: October 31, 2012

NAIBULSA ng Philippine Softball Team ang pilak na medalya sa prestihiyosong 11th Asian Softball Championship na ginanap sa Niimi City sa Okayama, Japan.

Nagkasya sa ikalawang puwesto ang Pinoy batters matapos yumuko sa defending champion Japan sa championship round sa iskor na 0-7.

Dahil sa ikalawang puwestong pagtatapos ng Pilipinas sa Asian Championships, nakasiguro ang Pilipinas ng puwesto sa mas mas prestihiyosong 2013 World Championship na idaraos sa New Zealand.

Makakasama ng Pilipinas sa World Championships ang gold medalist Japan at bronze winner Indonesia dahil tatlong koponon mula sa Asya ang kakatawan sa rehiyon.

Ito ang ikatlong pagkakataon na masisilayan ang Pilipinas sa naturang world meet matapos magkuwalipika rin noong 2004 sa Christchurch, New Zealand at noong 2009 sa Saskatoon, Canada.

“What is important for us is we qualified for the 2013 World Championship in New Zealand next year. Our stint here was a good learning experience, particularly our games against Japan and we will put what we learned into good use,” ayon kay Amateur Softball Association of the Philippines President Jean Henri Lhuillier.

Tinalo ng Pilipinas sa semifinals ang Indonesia sa bendisyon ng impresibong 7-0 pagblangko na naging daan upang makaharap sa Finals ang Japan.

Napasama sa Mythical Selection si pitcher Florante Acuna.

Nakatuwang sa kampanya sina Dario Bacarisas, Oscar Bradshaw at Ben Maraviles kasama sina Philippine Navy standouts Orlando Binarao at Jasper Cabrera at nina Jerome Bacarisas at Michael Pagkaliwagan ng Jose Rizal University.

Kasama rin sina Apolinario Rosales ng Batangas, Isidro Abello, Edmar del Socorro at Anthony Santos ng Philippine Air Force.

Minanduhan ang tropa ni National Coach Robert Iturralde ng Air Force kasama sina Rizel Santos, Joel Binario at Rey Pagkaliwagan. Kabilang sa mga tinalo ng Pilipinas sa eliminasyon ang Indonesia, 2-1, Singapore 6-1, Hong Kong, 5-3, at India, 10-1.